MANILA, Philippines — Iniskor ni Christian Standhardinger ang 19 sa kanyang 34 points sa second half para igiya ang Barangay Ginebra sa 89-84 paglusot sa Meralco sa Game Five sa Season 48 PBA Philippine Cup semifinals series kahapon sa MOA Arena sa Pasay City.
Nagtala rin ang 6-foot-8 Fil-German forward ng 10 rebounds at 5 assists para sa 3-2 lead ng Gin Kings sa kanilang best-of-seven semis showdown ng Bolts.
Kung mananalo ang Ginebra sa Meralco sa Game Six sa Miyerkules ay maitatakda ang kanilang title duel ng sister team na San Miguel na winalis ang Rain or Shine, 4-0, sa kanilang semis war.
“If we had to go to Game Seven, then we will do the best we can to make it as smooth as we can in terms of getting there and getting prepared and doing what needs to be done,” ani coach Tim Cone.
Nag-ambag si Maverick Ahanmisi ng 13 markers at may 10 points si Japeth Aguilar para sa Gin Kings na bumangon mula sa 14-point deficit, 43-57, sa 7:36 minuto ng third period.
Tuluyan nang humulagpos sa Bolts ang panalo nang maiwanan sa 84-89 sa huling 1:26 minuto ng fourth quarter galing sa jumper ni Standhardinger.
Binanderahan ni Chris Banchero ang Meralco sa kanyang 18 points kasama ang apat na triples habang may 17, 14 at 13 markers sina Chris Newsome, Cliff Hodge at Allein Maliksi, ayon sa pagkakasunod.
Hindi nakaporma si Bolts center Raymond Almazan kay Standhardinger at tumapos na may apat na puntos at apat na rebounds.