MANILA, Philippines — Pinarangalan ng Asian Cycling Confederation (ACC) si PhilCycling president Abraham “Bambol” Tolentino sa paggawad sa kanya ng 2024 ACC Merit Award sa ACC Congress sa Hunyo sa Kazakhstan.
Ito ang sinabi ni ACC secretary-general Onkar Singh kay Tolentino sa isang sulat noong Mayo 16.
“The Executive Committee of the Asian Cycling Confederation has decided to confer the 2024 ACC Merit Award for your exemplary service towards the development of the sport of cycling in your region,” ani Singh.
“I feel honored,” sagot naman ng presidente ng Philippine Olympic Committee na unang naihalal bilang pangulo ng PhilCycling noog 2008.
Nakatakda ang ACC Congress sa Hunyo 6 sa Hotel Kazakhstan sa Almaty, Kazakhstan.
Sa pamumuno ni Tolentino sa PhilCycling ay sumabak si Daniel Caluag sa men’s BMX racing sa London 2012 Olympics at sa Incheon 2014 Asian Games kung saan siya lamang ang nanalo ng gold medal para sa bansa.
Si Tolentino lamang ang nakapagpagawa ng International Cycling Union (UCI)-standard BMX racing track sa Tagaytay City na naging venue ng 2019 SEA Games at ng 2023 ACC Asian championships.
Apat ding Philippine-registered UCI Continental Teams ang nabuo sa ilalim ni Tolentino — ang 7-Eleven-Cliqq by Road Bike Philippines, Go-For-Gold Cycling Team, Victoria Sports Pro Cycling Team at Standard Insurance ng Standardized Cycling Team.