MANILA, Philippines — Nais nina National University stars, Mhicaela Belen at Alyssa Jae Solomon na tapusin ang University of Santo Tomas Golden Tigresses sa Game 2 ng kanilang best-of-three, UAAP Season 86 women’s volleyball tournament finals na lalaruin sa Mall of Asia Arena sa Pasay City ngayong araw.
Naka-isa agad ang Lady Bulldogs sa Game 1 matapos nilang harurutin sa tatlong sets ang kulang sa armas na Golden Tigresses kaya naman pagkakataon na nilang tapusin ang serye pagsimula ng kanilang bakbakan sa alas-4 ng hapon.
Tiyak na sasaklolo sa opensa sina Evangeline Alinsug at Sheena Angela Toring para masungkit ang matagal ng inaasam na korona ng Lady Bulldogs.
Bumida sa opensa nang talunin ng NU ang UST ay si Solomon na nagtala ng 17 points habang 13 ang kinana ni Belen.
Nag-ambag din sina Alinsug at Toring ng 12 at 10 markers, ayon sa pagkakasunod.
Para kay Belen, malaking bagay din ang suporta ng kanilang fans lalo silang ginaganahan kapag naririnig nila ang sigaw sa loob ng venue.
“When we saw how they cheered for us, that helped us a lot. It boosted our energy thinking there are people who believe in his and support us,” ani Belen.
Inaasahan ni Belen, hinirang na unang UAAP women’s volleyball rookie MVP noong Season 84, na magbalik ulit ang kanilang mga tagahanga sa Game 2.
“I hope in Game 2 we see them again. I hope this time, MOA Arena looks like the NU Gym,” ani Belen.
Samantala, tiyak itotodo ng Golden Tigresses ang kanilang lakas upang makahirit ng do-or-die Game 3.