CLEVELAND — Humataw si Jayson Tatum ng 33 points para gabayan ang Boston Celtics sa 109-102 pagligpit sa Cavaliers sa Game Four at kunin ang 3-1 lead sa kanilang Eastern Conference semifinals series.
Nag-ambag si Jaylen Brown ng 27 markers para sa Boston na maaari nang sibakin ang Cleveland sa Game Five bukas sa kanilang home court papasok sa conference finals.
Kumolekta rin si Tatum ng 11 rebounds at 5 assists habang may 16 markers si Jrue Holiday para sa Celtics na sinamantala ang hindi paglalaro nina injured guard Donovan Mitchell (calf) at center Jarrett Allen (ribs).
Kumabig si Darius Garland ng 30 points at may tig-19 markers sina Evan Mobley at Caris LeVert para sa Cleveland na personal na pinanood ni LeBron James mula sa isang courtside seat.
Maaaring gamitin ng NBA career scoring leader ang option sa kanyang kontrata sa Los Angeles Lakers para lumipat ng ibang koponan.
Mula sa 15-point deficit ay nakalapit ang Cavaliers sa 97-102 bago nagsalpak si Brown ng triple para ilayo ang Celtics sa 105-97 sa huling 1:08 minuto ng laro.
Sa Dallas, kumamada si Shai Gilgeous-Alexander ng 34 points at nalampasan ng Thunder ang isang Mavericks franchise playoff-record na 13 blocks para sa 100-96 panalo sa Game Four at itabla sa 2-2 ang Western Conference semifinals series.