MANILA, Philippines — Binuhay ng Meralco ang pag-asa sa quarterfinal round matapos lusutan ang Phoenix, 82-76, sa Season 48 PBA Philippine Cup kahapon sa Smart Araneta Coliseum.
Tinapos ng Bolts ang dalawang dikit na kamalasan para itaas ang 4-5 record at ibinagsak ang Fuel Masters sa 3-7.
Ang tatlong free throws ni Bong Quinto sa dulo ng fourth period ang sumelyo sa panalo ng Meralco na nadikitan ng Phoenix sa 76-79 sa huling 20 segundo.
Kumamada si Aaron Black ng 18 points, 4 rebounds at 4 assists para pamunuan ang Bolts, habang may 15, 14 at 13 markers sina Chris Newsome, Chris Banchero at Allein Maliksi, ayon sa pagkakasunod.
Pinamunuan ni rookie Ken Tuffin ang Fuel Masters sa kanyang 14 points kasunod ang 12 markers ni Kent Salado.
Binitbit ng Phoenix ang 38-34 abante sa halftime bago naagaw ng Meralco ang kalamangan at iposte ang 11-point lead, 64-53, sa pagsisimula ng fourth quarter.
Nagawa itong putulin ng Fuel Masters sa 74-77 galing sa drive ni Javee Mocon sa huling 42 segundo.
Ang krusyal na jumper ni Banchero ang muling naglayo sa Bolts sa 79-74, samantalang ang tatlong foul shots ni Quinto ang tumiyak sa kanilang panalo.
Samantala, popormalisahin ng Barangay Ginebra (6-3) ang pagpasok sa quarterfinals sa pagsagupa sa sibak nang Converge (1-8) ngayong alas-6:15 ng gabi sa Aquilino Pimentel Jr. International Convention Center sa Cagayan de Oro.
Kinuha ng Gin Kings si free agent David Murrell bilang pansamantalang kapalit ni injured forward Jamie Malonzo.
Sa alas-3 ng hapon ay magkikita ang Blackwater (3-5) at NorthPort (4-6) sa Caloocan Sports Complex.