Bonus paglalabanan ng Golden Tigresses at Lady Spikers

MANILA, Philippines — Paniguradong siksikan sa Smart Araneta Co­lise­um sa banggaan ng Uni­ver­­sity of Santo Tomas at nag­dedepensang De La Salle University sa 86th UAAP women’s volleyball tournament.

Magsisimula ang paluan ng Golden Tigresses at Lady Spikers ngayong alas-6 ng gabi, habang magtatapat ang Universi­ty of the Philippines Lady Ma­­roons at University of the East Lady Warriors sa alas-12 ng tanghali.

Bumalik na ang da­ting porma ni league lea­ding scorer at super rookie Angge Poyos kaya tiyak na ipantatapat ito ng UST kay reigning Rookie-Most Valuable Player Angel Canino.

Nagliyab sa opensa ang 20-anyos na si Poyos nang payukuin nila ang tal­sik nang UE noong naka­raang Linggo sa pagtatala ng game-high 25 points mula sa 21 attacks, tatlong service ace at isang block.

Maliban kay Poyos, hu­hugot din ng lakas ang UST kina Regina Jurado, Jonna Perdido, Pia Abbu, Cassie Car­ballo, Xyza Gula, Bian­ca Plaza at team captain Detdet Pepito na pakay na makuha ang ‘twice-to-beat’ incentive sa Final Four.

Paglalabanan ng La­­dy Spikers at Golden Tig­res­ses ang natitirang bo­­nus sa Final Four.

Makakakuha ng bonus ang top two teams pagka­tapos ng 14-game elimination round at nakuha na ng National University Lady Bulldogs ang isa matapos walisin ang second round at hawakan ang No. 1 seed sa kartang 12-2.

Magkasalo sa No. 2 spot ang DLSU at UST na may parehong 11-2 record.

Show comments