Boys’ semis duel itinakda ng Angatleta Bataan at VNS-Savouge sa PNVF U-18 Championship

Iniskoran ni Jay-R Bance ng Taytay Rizal ang players ng Orion Bataan sa akysong ito sa PNVF U-18 Championship.
PNVF

MANILA, Philippines — Inayos ng Angatleta Sports-Orion, Bataan at VNS-Savouge ang kanilang semifinal showdown matapos manaig sa quarterfinals ng 2024 Philippine National Volleyball Federation (PNVF) Under-18 Championship boys’ division kahapon sa Rizal Memorial Coliseum.

Pinatumba ng Orion, Bataan ang Taytay, Rizal, 25-22, 25-19, 25-18, sa crossover quarterfinals para walisin ang Pool A papasok sa semifinals.

Wagi naman ang Pool B No. 3 seed VNS-Savouge kontra sa Pool A second-placer La Salle-Lipa, 22-25, 25-23, 25-13, 25-17, patungo sa semis.

Paglalabanan ng Orion, Bataan at VNS-Savouge ang finals berth sa Biyernes sa parehong venue.

Kasalukuyan pang naglalaro sa quarterfinals ang Umingan National High School ng Pangasinan, winalis ang Pool B sa kanilang 5-0 marka, at Philippine Christian University pati ang Hermosa, Bataan at Canossa Academy-Lipa habang isinusulat ito.

Sa girls’ play, tinalo ng National University ang La Salle-Zobel, 25-18, 25-16, 25-17, habang ginapi ng La Salle-Lipa ang Gracel Christian College, 25-14, 25-13, 25-21, para sa kanilang semis clash.

Sumama ang NU at La Salle-Lipa sa University of Santo Tomas at Kings’ Montessori School na itinakda ang unang girls’ semis duel matapos talunin ang Canossa Academy-Lipa at San Juan Institute of Technology-Batangas, ayon sa pagkakasunod.

Kagaya ng quarterfinals, ang semifinals at finals ay isang win-or-go-home duel para sa korona ng unang youth tournament ng PNVF na pinamumunuan ni president Ramon “Tats” Suzara.

Show comments