Titans kinopo ang PSL crown

Tinanggap ni Quezon Provincial Governor Angelina Tan ang tropeo mula kina PSL President Cris Bautista at special assistant to the chief executive officer Bhong Baribar habang nagdiriwang ang mga miyembro ng Titans matapos makopo ang serye sa Game 4.
Pilipinas Super League

LUCENA CITY – Tuluyan nang tinapos ng Quezon ang kanilang championship series ng Nueva Ecija matapos kunin ang 77-64 panalo sa Game 4 para angkinin ang PSL President’s Cup crown sa Quezon Convention Center.

Isinara ng Titans ang best-of-five title showdown nila ng Capitals sa 3-1.

Umiskor si Judel Fuentes ng 15 points, kabilang ang pinakaimportanteng four-point play na nagpasimula sa pagbangon ng Quezon mula sa isang 10-point deficit, 37-47, sa Nueva Ecija.

Tatlong free throws lamang ang naidagdag sa talaan ng Capitals kumpara sa 21 points ng Titans para agawin ang 58-50 bentahe sa huling 1:22 minuto sa third period.

“First time kong manalo ng championship sa professional level,” sabi ni Fuentes na nagkampeon habang naglalaro sa Centro Escolar University Scorpions sa NCRAA noong 2020.

Sa kabuuan ay 14 three-point shots ang isinalpak ng Quezon.

Nagdagdag si Jason Opiso ng 12 markers para punan ang pananahimik ni Will Gozum na mayroon lamang limang puntos.

Show comments