MANILA, Philippines — Sa ikaapat na pagkakataon ay muling bumasag si Fil-American Lauren Hoffman ng Philippine record sa athletics.
Nagsumite si Hoffman ng bilis na 13.41 segundo para itakbo ang silver medal sa women’s 100-meter hurdles sa Duke International sa Durham, North Carolina, USA.
Sinira ng 25-anyos na 19th Asian Games campaigner ang 15-year-old record na 13.65 segundo na inilista ni Sheena Atilano noong 2009 sa Norwalk, United States.
Dalawang beses binasag ni Hoffman ang national mark sa women’s 400m at sa women’s 400m hurdles.
Inilista ni Hoffman ang bagong women’s 400m record sa itinalang 53.91 segundo sa 2024 Clemson Bob Pollock Invitational noong Enero bago magposte ng bagong 53.71 segundo sa 2024 Clemson Tiger Paw Invitational sa South Carolina makaraan ang ilang linggo.
Nagtala rin si Hoffman ng bagong national record na 56.39 segundo sa women’s 400m hurdles sa Hurricane Collegiate Invitational sa Coral Gables, Florida.
Hangad ni Hoffman na makakuha ng tiket para sa 2024 Olympic Games sa Paris, France sa Agosto.
Mayroon nang Olympic berth sina pole vaulter EJ Obiena, gymnasts Carlos Yulo at Aleah Finnegan, boxers Eumir Marcial, Nesthy Petecio at Aira Villegas at weightlifters Vanessa Sarno, John Ceniza at Elreen Ando.
Ang nasabing mga oras ni Hoffman ay malayo pa sa itinakdang Olympic standard. Sa 100m hurdles ay dapat niyang makuha ang 12.77 segundo habang sa 400m hurdles ay 54.85 segundo at sa 400m ay 50.95 segundo.