MANILA, Philippines — Gumana ang koneksiyon nina playmaker Deanna Wong at outside hitter Sisi Rondina upang tulungan ang Choco Mucho na makuha ang solong liderato sa Premier Volleyball League (PVL) All-Filipino Conference.
Naramdaman ang pamatay na puwersa nina Wong at Rondina para hatakin ng Titans ang 25-15, 25-16, 25-21 impresibong panalo kontra sa Capital1.
“It starts with training, especially our coach (Dante Alinsunurin), my teammates they are always there. We help each other and bring each other up,” ani Wong.
Wala pa sa perpektong kundisyon si Wong na nasa recovery period pa rin dahil sa injury nito sa tuhod.
Ngunit unti-unti na itong ginagamit sa laro para maihanda ito sa mga krusyal na laban sakaling kailanganin ang serbisyo nito.
“I am happy that I played today, little by little. It is more of the system that we follow that is why on whoever is inside the court we can still execute,” ani Wong.
Masaya si Choco Mucho head coach Dante Alinsunurin sa itinatakbo ng laro ng kanyang bataan.
“Kahit sinong ipasok namin nagdedeliver, yun naman yung importante sa team namin. Sabi ko nga, in terms of pangangailangan namin sa mga players namin, kapag crucial, meron kaming huhugutin,” ani Alinsunurin.
Umaasa si Rondina na magtutuluy-tuloy pa ang magandang laro ng kanilang tropa para makasiguro ng tiket sa Final Four.