Sarno sisikwat ng tiket sa Paris Olympics
MANILA, Philippines — Pakay ni Vanessa Sarno na maipormalisa ang pag-entra sa Paris Olympics sa pagsabak nito ngayong araw sa 2024 International Weightlifting Federation (IWF) World Cup sa Phuket, Thailand.
Aarangkada si Sarno sa women’s 71kg class sa ala-1:30 ng hapon (alas-2:30 ng hapon sa Maynila).
Sigurado na ng tiket sa Paris Olympics si Sarno dahil nasa Top 10 ito sa Olympic Qualification Rankings (OQR).
Kasalukuyan itong nasa ikalimang puwesto sa world ranking tangan ang impresibong 249 kg. sa kanyang weight class.
Makakasama ni Sarno sa kampanya sa parehong dibisyon si Kristel Macrohon.
Subalit malayo ang tatahakin ni Macrohon dahil nasa labas ito ng Top 10 kung saan okupado nito ang ika-15 puwesto.
Hangad ni Sarno na makasama sa Paris Games sina Elreen Ando (women’s 59), Rosegie Ramos (women’s 49) at John Ceniza (men’s 61) na nauna nang nakasikwat ng tiket sa Paris Games.
Hindi pinalad si Tokyo Olympics gold medalist Hidilyn Diaz na makapasok sa Paris Olympics matapos ang hindi magandang performance nito sa World Cup.
Dahil dito, si Ando ang umabante sa Paris Games bunsod ng nabuhat nitong 228 kg. — mas maganda sa personal best ni Diaz na 224 kg.
Sa kasalukuyan, bukod sa mga weighlifters, pasok na rin sa Paris Games sina pole vaulter EJ Obiena, gymnasts Carlos Yulo at Aleah Finnegan, at sina boxers Eumir Marcial, Nesthy Petecio at Aira Villegas.
- Latest