NU, La Salle-Lipa agawan sa liderato sa PNVF Women’s U-18 Championships

MANILA, Philippines — Magtutuos ang National University at De La Salle-Lipa para paglabanan ang solo liderato sa pagbabalik ng aksyon sa Philippine National Volleyball Federation (PNVF) Women’s Under-18 Championship ngayong araw sa Rizal Memorial Coliseum.

Tangan ang tig 2-0 karta sa Pool B, magsisimula ang paluan sa pagitan ng NU at De La Salle-Lipa sa ala-una ng hapon.

Umiskor ang Lady Bulldogs ng 25-4, 25-16 panalo kontra Parañaque City at 25-10, 25-12 bentahe laban sa Colegio de Los Baños sa huling laro.

Sa panig ng La Salle-Lipa, pinagpag nila ang Canossa Aca­demy-Lipa, 22-25, 25-19, 25-17 at saka winalis ang Batangas bet, San Juan Institute of Technology-Batangas, 25-17, 25-19.

Pakay naman ng UST (1-0) at Gracel Christian College (1-0) na ilista ang pangalawang sunod na panalo kontra wala pang panalong Kings’ Montessori School (0-1) at Limitless Sports Center (0-2) sa alas-10 at alas-11:30 ng umaga ayon sa pagkakasunod sa Pool A.

Sa boys’ play, haharapin ng Taytay, Rizal (1-0) ang Colegio de Los Baños (0-1) sa main game sa alas-5:30 ng hapon.

May tsana ang Taytay Rizal na makisalo sa Umingan, Pangasinan (2-0) sa tuktok ng Pool B.

Unang laro naman ng Golden Whiskers Club sa Pool A kontra La Salle-Lipa (1-0) sa alas-2:30 ng hapon habang magkatapat ang Philippine Christian University (1-1) at Batangas Christian School (0-1) sa alas-4.

Show comments