MANILA, Philippines — Sa kabila ng paghirang sa kanya bilang bayani sa 140-140 pagtabla ng Team Mark Barroca sa Team Japeth Aguilar ay ibinigay ni Robert Bolick ang karangalan kay CJ Perez sa 2024 PBA All-Star Game sa University of St. La Salle Gym sa Bacolod City noong Linggo ng gabi.
“Kay CJ (Perez) dapat talaga ito,” sabi ni Bolick sa pagtanggap niya ng kanyang unang All-Star MVP trophy.
“Noong una, feeling ko hindi yata ako pang All-Stars, pero sabi ko sige mamaya, ako naman.Binigay na sa akin ni Japeth (iyong MVP trophy) kasi marami na siya.”
Kinumpleto ni Bolick ang pamatay na five-point play sa natitirang 17.8 segundo para itabla ang Team Barroca sa Team Aguilar.
Ito rin ang unang draw sa isang PBA All-Star Game simula noong 2017 nang magdikdikan ang Gilas Pilipinas at PBA Mindanao All-Stars sa Cagayan De Oro City.
Ngunit ngayong edisyon ay kinailangan ng tropa ni Barroca na makabangon mula sa isang 32-point deficit at buhat sa 129-140 pagkakaiwan sa fourth period.
Ngunit bumanat si Bolick ng sariling 11-0 atake para itabla ang laro.
Kasabay ng pagkonekta sa three-point line, ibinilang na four points sa All-Star Game, ay nakahugot si Bolick ng foul kay Calvin Oftana para sa nakumpleto niyang five-point play.
“Feeling ko dahil din doon (four-point line) kaya rin masama laro ko kasi iniisip mong itira doon. Kapag nagmintis ka ng isa, dalawa, mawawala momentum mo. Dapat next time, focus ka muna sa malapit tapos saka mo layuan,” litanya ni Bolick.
Tumapos si Bolick na may 13 points, habang nagpasabog si Perez ng 39 markers para sa Team Barroca.
Umiskor si RR Pogoy ng 25 points kasunod ang 24 markers ni Marcio Lassiter sa panig ng Team Aguilar.