MANILA, Philippines — Hindi nagpapigil ang NorthPort sa pagtatala ng ikatlong dikit na panalo matapos itumba ang Meralco, 90-85, sa Season 48 PBA Philippine Cup kahapon sa Smart Araneta Coliseum.
Kumamada sina Arvin Tolentino at JM Calma ng tig-16 points para sa 3-1 kartada ng Batang Pier habang may 14 at 13 markers sina Paul Zamar at rookie Cade Flores.
Bagsak ang Bolts sa kanilang pangalawang sunod na kamalasan para sa 1-3 marka.
Pinuwersa ng NorthPort ang Meralco sa 25 turnovers kumpara sa kanilang 15.
“Like iyong mga players namin right now na sinasabi nating multiple positions na luxury ng team, iyon ang challenge namin na those who will play well sa defense, will play longer minutes,” ani coach Bonnie Tan.
Ang jumper ni Tolentino ang nagbigay sa Batang Pier ng 12-point lead, 39-27, sa 6:22 minuto ng se-cond period bago naagaw ng Bolts ang 68-64 abante sa pagtiklop ng third quarter.
Muling napasakamay ng NorthPort ang 84-77 kalamangan sa huling 2:09 minuto ng final canto na naputol ng Meralco sa 85-88 galing sa basket ni Chris Newsome sa natitirang 8.5 segundo.
Sinelyuhan ni Flores ang panalo ng Batang Pier.
Binanderahan ni Aaron Black ang Bolts sa kanyang 18 points, 4 rebounds at 4 assists.