MANILA, Philippines — Ang magandang inilalaro ni Sisi Rondina ang nagbigay sa Choco Mucho ng 3-0 record para solohin ang liderato ng 2024 PVL All-Filipino Conference.
Humataw ang reigning PVL Most Valuable Player ng 24 points bukod sa 22 excellent receptions sa 24-26, 25-22, 25-18, 24-26, 15-13 panalo ng Flying Titans sa Petro Gazz Angels noong nakaraang Martes.
Pumalo naman si Rondina ng 23 points sa 25-9, 25-23, 20-25, 25-17 paggupo ng Choco Mucho sa Chery Tigo noong Sabado para sa kanilang ikatlong sunod na panalo.
Dahil dito ay hinirang si Rondina bilang PVL Press Corps Player of the Week.
Inungusan ng dating UST Golden Tigresses star para sa weekly citation si Tots Carlos ng nagdedepensang Creamline na humataw ng 31-point career game kontra sa Akari.
“Siyempre, para rin magbigay ng inspirasyon sa mga katulad kong maliliit na hindi hadlang iyong height para makapaglaro tayo at makatungtong kami dito sa ganitong liga,” wika ng 5-foot-6 spiker.
Nasa ilalim ng Choco Mucho (3-0) sa team standings ang Creamline (2-0), Cignal HD (2-0), Petro Gazz (2-1), Chery Tiggo (2-1), PLDT Home Fibr (2-1), Farm Fresh (1-1), Akari (0-2), Nxled (0-2), Capital1 Solar Energy (0-2), Galeries Tower (0-2) at Strong Group Athletics (0-2).