Gilas umakyat sa No. 37 sa FIBA rankings

MANILA, Philippines —  Sumulong ang Gilas Pilipinas sa world rankings ng International Basketball Federation (FIBA).

Sa inilabas na FIBA World Rankings kahapon ay nasa ika-37 puwesto na ang Gilas Pilipinas matapos makalikom ng 342.5 puntos mula sa ika-38.

Malaking tulong sa pag-angat ng Gilas Pilipinas ang dalawang panalo nito sa katatapos na first window ng 2025 FIBA Asia Cup Qualifiers.

Dalawang impresibong panalo ang naitala ng Pinoy cagers kung saan inilampaso nito ang Hong Kong sa kanilang unang laro noong Pebrero 22 sa iskor na 94-64 sa larong ginanap sa Tsuen Wan, Hong Kong.

Mas lalo pang nag-init ang Gilas Pilipinas nang gulpihin nito ang Chinese-Taipei, 106-53, noong Pebrero 25 sa Philsports Arena sa Pasig City.

Nasa No. 8 ang Gilas Pilipinas sa Asia-Oceania re­gion na binabanderahan ng Australia (756.3 points)ka­sunod ang New Zealand (505.9 points).

Show comments