MANILA, Philippines — Humakot ang Swim League Philippines (SLP) ng 50 ginto, 60 pilak at 65 tansong medalya para angkinin ang overall championship crown sa 2024 Asian Open School Invitational (AOSI) Aquatics Championships na ginanap sa Assumption University Aquatic Center (ABAC) Suvarnabhumi Campus sa Bangkok, Thailand.
Nanguna sa kampanya ng SLP ang Mojdeh brothers na sina Mikhael Jasper ‘Mikee’ at Behrouz Mohammad ‘Madi’ ng Immaculate Heart of Mary College-Paranaque.
Nakalikom si Mikhael Jasper ng kabuuang walong medalya mula sa tatlong ginto at limang tansong sa boys’ 8-year class, habang umani naman si Behrouz Mohammad ng apat na medalya — isang ginto, isang pilak at dalawang tanso — sa boys’ 12-13 division.
“We are so proud of these young swimmers who represented our country well in this three-day competition. Bringing honors to our country is such an amazing experience for each of them. We will continue this program to further develop their skills be at par with some of the world’s best swimmers in the future,” ani PH BEST team manager Joan Mojdeh.
Maningning din ang kampanya nina SLP standouts Sophie Rose Garra, Kevin Arguzon, Alarie Somuelo at Aishel Cid Evengelista na nakasungkit ng multiple gold medals sa kani-kanilang mga events.
Humakot si Garra ng siyam na medalya mula sa anim na ginto at tatlong pilak para mangibabaw sa girls’ 10-11 category, habang nanguna si Arguzon sa boys’ 16-17 tangan ang limang ginto, dalawang pilak at isang tanso.
Nakasikwat din ng limang ginto at apat na pilak si Somuelo sa girls’ 18-over at nagbulsa si Evangelista ng tatlong ginto, isang pilak at tatlong tanso sa boys’ 12-13.
Pumangalawa lamang ang host Thailand na may 33 ginto, 12 pilak at 17 tanso habang pumangatlo ang Kazakhstan na may 32 ginto, 20 pilak at 10 tansong medalya.