Beermen amoy na ang finals
MANILA, Philippines — Isang panalo na lang ang kailangan ng Beermen papasok sa PBA Finals.
Ito ay matapos dalawahan ng San Miguel ang utol na Barangay Ginebra, 106-96, sa Game Two ng Season 48 PBA Commissioner’s Cup semifinals series kahapon sa MOA Arena sa Pasay City.
Itinayo ng Beermen ang 2-0 lead sa kanilang best-of-five showdown ng Gin Kings.
Nauna nang itinakbo ng SMC franchise ang 92-90 panalo sa Game One.
Humakot si import Bennie Boatwright, Jr. ng 38 points tampok ang anim na three-point shots bukod sa 9 rebounds at 2 assists para sa SMB.
Kumolekta si seven-time MVP June Mar Fajardo ng 17 points, 14 boards at 6 blocks, habang may 17 at 16 markers sina CJ Perez at Marcio Lassiter, ayon sa pagkakasunod.
Pinamunuan ni Jamie Malonzo ang Ginebra sa kanyang 27 points kasama ang anim na triples at may 25 markers si import Tony Bishop.
Kaagad itinayo ng Beermen ang 10-0 bentahe bago nakadikit ang Gin Kings sa pagtiklop ng first period patungo sa 65-60 kalamangan sa 5:13 minuto ng third quarter.
Ang ikaapat na tres ni Lassiter ang nagbigay sa San Miguel ng 94-88 kalamangan sa 3:20 minuto ng final canto.
Huling nagbanta ang Ginebra sa 95-99 mula sa dalawang free throws ni Bishop sa 1:39 minuto ng laro.
- Latest