MANILA, Philippines — Walang pahi-pahinga para sa Strong Group Athletics na ibabandera agad ang watawat ng Pilipinas kontra sa host na United Arab Emirates national team sa pagsisimula ng 33rd Dubai International Basketball Championships ngayon sa Al Nasr Club.
Kararating lang ng pambato ng Pilipinas kahapon sa Dubai subalit hindi ito iindahin sa pagsalang nila sa aksyon sa alas-11:15 ng gabi (Manila time) para sa unang laban sa Group B.
Bibida sa mga bataan ni head coach Charles Tiu ang marahil ay pinakamabigat na naging import sa kahit anong Philippine team na si Dwight Howard.
Aakbay kay Howard, dating NBA champion at 3-time Defensive Player of the Year, ang iba pang reinforcements na sina Gilas Pilipinas naturalized player Andray Blatche, dating OKC Thunder na si Andre Robinson at batikang import na si McKenzie Moore.
Misyon ng Strong Group na maiganti ang quarterfinal exit nito noong nakaraang edisyon kontra sa kampeon na Al Riyadi ng Lebanon.
Bukod doon, hangad ng koponan na masundan ang Mighty Sports Philippines noong 2020 na hinawakan din ni Tiu bilang unang non-Middle Eastern champion team ng Dubai.
Upang magawa ito, may masasandalan ding pambatong local cast ang Strong Group sa pangunguna nina UAAP MVP Kevin Quiambao ng La Salle at MPBL Justine Baltazar ng Pampanga.