La Salle humirit ng rubber match
MANILA, Philippines — Dinomina ng De La Salle University ang University of the Philippines, 82-60 upang isagad sa Game 3 ang kanilang best-of-three Finals ng UAAP Season 86 men’s basketball tournament na nilaro sa Araneta Coliseum kagabi.
Nagliyab ang opensa nina Francis Escandor, Joshua David at CJ Austria sa third quarter matapos itarak ang 41-22 bentahe para hawakan ang 16-point lead, 65-49 papasok ng fourth quarter.
Maging si Evan Nelle ay malaki ang naging ambag sa panalo ng DLSU sa Game 2, kinana ang apat na puntos, 12 rebounds, 10 assists at limang steals para mahirang na Best Player of the Game.
Tumikada si Escandor ng 14 points habang may 12 at 11 markers ang inambag nina David at Austria para sa Green Archers na susubukan na maulit ang panalo sa Miyerkules upang masikwat ang titulo.
Nirehistro nina CJ Cansino at Malick Diouf ang tig-11 points para sa UP na nasalto ang balak na kampeonato kagabi.
Samantala, pormal ng nahirang na Season 86 Most Valuable Player si Kevin Quiambao bago nagsimula ang Game 2.
Nag-average ang 6-foot-4 na si Quiambao ng 16.71 points, 10.86 rebounds, 6.0 assists, at 1.93 steals per game sa elimination round at makakuha ng 97.0 statistical points.
“Unang una, thank you Lord na nakuha ko itong award na ito. Credit sa lahat ng mga teammates ko, coaching staff,” ani Quiambao.
May statistical points na 97. 0, naungusan ng 22-anyos na si Quiambao sina Noy Remogat ng University of the East, Evan Nelle ng La Salle, Malick Diouf ng University of the Philippines at L-Jay Gonzales ng Far Eastern University.
- Latest