Altas ibinaon ang Knights sa 0-7

Nag-agawan sa rebound play sina John Abis at Joey Barcuma ng Perpetual Altas at Kurt Reyson at Kevin Santos ng Letran Knights sa NCAA.
STAR/ File

MANILA, Philippines — Lalo pang inihulog ng University of Perpetual Help System DALTA ang ‘three-peat’ champions Letran sa ilalim ng team standings.

Nagsumite si Jun Ro­que ng 22 points, 11 rebounds, 2 assists, 2 steals at 2 blocks para banderahan ang Altas sa 74-59 paggiba sa Knights sa NCAA Season 99 men’s basketball tournament kahapon sa Filoil Centre sa San Juan City.

Itinaas ng Perpetual, nakabunot din kay Roque ng apat na three-point shots, ang kanilang kartada sa 3-4 at ipinalasap sa Letran ang pang-pitong dikit na kamalasan.

Nagdagdag sina Jelo Razon at Christian Pagaran ng tig-12 markers.

“Magaling humanap ng spots iyong bata, alam niya kung saan pupuwesto,” sabi ni coach Myk Sagui­guit kay Roque na nagbigay sa Altas ng 63-49 bentahe kontra sa Knights sa 3:50 minuto ng fourth quarter.

Ang dalawang sunod na tres nina Roque at Razon ang tuluyan nang sumelyo sa panalo ng Altas.

Sa unang laban, kumamada si Raymart Escobido ng 23 points para giyahan ang San Sebastian College-Recoletos sa 86-70 pagpapatumba sa Emilio Aguinaldo College.

Nagsalpak din si Escobido ng apat na tres at nagdagdag si Jessie Sumoda ng 14 markers at 10 rebounds para sa 3-4 baraha ng Stags.

Show comments