Generals sososyo sa 3rd spot

MANILA, Philippines — Pipilitin ng Emilio Aguinaldo College na maitarak ang ikalawang sunod na panalo kasabay ng pagsos­yo sa ikatlong puwesto sa NCAA Season 99 men’s basketball tournament sa FilOil Centre sa San Juan City.

Lalabanan ng Gene­rals ang Arellano Chiefs ngayong alas-4 ng hapon matapos ang bakbakan ng San Sebastian Stags at Perpetual Help Altas sa alas-2.

Solo ng Lyceum ang liderato tangan ang 6-1 kartada sa itaas ng Mapua (5-1), Jose Rizal (4-2), EAC (3-2), San Beda (3-2), St. Benilde (3-3), San Sebastian (2-3), Perpetual (1-4), Arellano (1-4) at ‘three-peat’ champions Letran (0-6).

Ang Generals ang nagpalasap ng unang kabiguan ng Pirates matapos itakbo ang 83-76 overtime win habang pinaluhod ng Chiefs ang Knights, 87-80, para sa kanilang unang panalo sa torneo.

Sa paglusot sa Lyceum ay humugot ang EAC kay King Gurtiza ng 18 points, 8 rebounds at 2 assists.

Determinado rin ang Arellano na mailista ang kanilang ikalawang sunod na ratsada.

“Iyong attitude namin, every time na maglalaro kami, laging uhaw kami para makuha iyong panalo,” sabi ni guard Dominic Dayrit.

Sa unang laban, ipo­­poste ng Stags ang ka­nilang ikalawang dikit na panalo sa pagsagupa sa Altas na nahulog sa two-game losing skid.

Nagmula ang San Sebastian sa 72-59 paggupo sa Jose Rizal, samantalang nakatikim ang Perpetual ng 80-86 kabiguan sa St. Benilde.

Show comments