MANILA, Philippines — Inangkin ng Lemmoda Aqua Gliders ang overall team championship sa likod ng nilangoy na limang individual awards sa Mindanao leg ng FINIS National Long Course Swimming Championship sa Digos Sports Complex sa Digos City, Davao Del Sur .
Hinirang si Monique Saraosa bilang Most Outstanding Swimmer (MOS) sa girls’ 9-10 class para sa Lemmoda na naglista ng 78 points sa huling serye ng three-leg competition na inorganisa ng FINIS Philippines sa pamumuno ni Managing Director Vince Garcia.
“Nilibot namin ang buong Pilipinas and for the past years nakita natin iyong enthusiasm sa mga batang swimmers to play against the best from Luzon and Visayas,” ani Garcia.
Bukod kay Saraosa, wagi rin sina April Morgia (girls 13-14 class), Rhenz Bucaneg (boys’ 7-8), John Namoc (boys’ 11-12) at Jhon Tapay (boys’ 15-16) para sa kabuuang 551 points ng Lemmoda team patungo sa kampeonato.
Pumangalawa ang DavNor Blue Marlins na may 418 points kasunod ang Iligan Pride (215), Kidapawan Long Wave (164) at Dolphin Angels (125).