Gilas paghahandaan ang 2025 FIBA Asia Cup Qualifiers
MANILA, Philippines — Tukoy na ang mga koponang makakalaban ng Gilas Pilipinas sa 2025 FIBA Asia Cup Qualifiers matapos ang official draw sa Doha, Qatar.
Makakasagupa ng Gilas sa Group B ang New Zealand, Chinese Taipei at Hong Kong ayon sa draw na binanderahan nina Asian legends Gabe Norwood ng Gilas at Hamed Haddadi ng Iran.
Sa Pebrero 2024 magsisimula ang qualifiers tampok ang tatlong windows hanggang malaman ang Top 2 teams ng kada grupo na aabante sa 2025 FIBA Asia Cup.
Misyon ng Gilas na magpasiklab uli sa qualifiers matapos ang impresibong kampanya sa kasagsagan ng COVID-19 pandemic upang makapasok sa 2022 Asia Cup na ginanap sa Jakarta, Indonesia.
Sa ilalim ng bubble format dahil sa pandemya ay nagtala ang Gilas ng 6-0 kartada sa Group A ng qualifiers matapos walisin sa tigda-dalawang laban noon ang South Korea, Thailand at Indonesia.
Subalit sa mismong 2022 Asia Cup ay nabigo ang Gilas sa gabay ni head coach Chot Reyes nang hindi umabot sa quarterfinals sa unang pagkakataon sa loob ng 15 taon.
Tumaob ang Gilas kontra sa Japan, 102-81, sa playoff para sa quarterfinals matapos unang matalo kontra sa Lebanon, 95-80, at New Zealand, 92-75. Iyon din ang unang panalo ng Japan kontra sa Pilipinas sa 10 taon.
Tanging ang Top 2 teams lang ng kada grupo sa qualifiers ng makakapasok sa Asia Cup.
Kasali rin sa qualifiers ang reigning champion na Australia, South Korea, Thailand at Indonesia sa Group A, China, Japan, Guam at Mongolia sa Group C, Jordan, Iraq, Palestine at Saudi Arabia sa Group D.
Swak din dito ang Iran, Qatar, Kazakhstan at India sa Group E pati na ang runner-up Lebanon, Bahrain, Syria at United Arab Emirates sa Group F.
- Latest