Vavavoom bida sa PSA Cup
MANILA, Philippines — Pinakain ng putik ng Vavavoom ang mga nakatunggali upang sikwatin ang panalo sa Philippine Sportswriters Association Cup na pakarera ng Philippine Racing Commission kahapon sa Metro Turf, Malvar sa Tanauan City, Batangas.
Malakas ang buhos ng ulan maputik maputik, kaya tinutukan lang muna ng Vavavoom ang matulin sa largahan na Biglang Buhos.
Sinakyan ni jockey Andreu Villegas, inilapit nito ang Vavavoom sa unahan sa kalagitnaan ng karera at saka inagaw ang bandera sa Biglang Buhos papalapit ng far turn.
Pagdating ng home turn ay nasa dalawang kabayo na ang agwat ng Vavavoom sa Biglang Buhos at umalagwa pa ito sa rektahan.
Tinawid ng Vavavoom ang meta ng may anim na kabayong agwat sa pumangalawang Lucky Lea.
Nirehistro ng Vavavoom ang tiyempong 1:25.8 minuto sa 1,400 meter race sapat upang hamigin ang P150,000 para sa winning horse owner na si Leonardo “Sandy” Javier Jr.
Ang nasabing karera ay isang charity horse race na pinagsaniban ng PHILRACOM at PSA na pinamumunuan ng presidenteng si Philippine STAR sports editor Nelson Beltran.
Kinubra ng Lucky Lea ang P56,250 premyo.
- Latest