MANILA, Philippines — Nanawagan si dating Philippine National Shooting Association (PNSA) president Luis “Chavit” Singson ng imbestigasyon sa di umano’y pagsama ng hindi qualified na pambato sa kampanya ng bansa sa nagdaang International Shooting Sport Federation (ISSF) World Cup sa Lonato del Garda, Italy.
Ayon kay Singson na nagsisilbi ding chairman emeritus ng PNSA ay hindi katanggap-tanggap ang aniya’y pagsali ng “unqualified” shooters” kahit mas marami sana ang kwalipikadong kumatawan sa bayan.
“Being the past president of the PNSA, nabo-bother kami na nagpapadala sila ng hindi qualified. Nakakahiya kasi tayo kung kulelat ‘yung pinapadala. Okay lang kung qualified baka minalas lang pero hindi qualified eh. May qualification at qualifying score ‘yan,” ani Singson sa ginanap na press conference sa kanyang tahanan sa Corinthians Garderns sa Quezon City.
Ilan sa mga di umano’y unqualified shooters ay sina Jake Ancheta at Erique Paul Apolinario na nagtapos sa huling dalawang puwesto ng 158-player World Cup skeet competition sa Italya noong Hulyo.
Wala raw aniya sa qualifying score na 112 sa kahit anong local tournament si Ancheta, na DNF (Did not finish) pa sa torneo, habang maski isang beses ay hindi nakasali sa local qualifiers si Apolinario kaya ipinagtataka nila kung bakit napasali sa national team at nakapaglaro pa sa World Cup.
Humihingi ngayon ng masusing pag-aaral mula sa Philippine Olympic Committee (POC) at kung sakali sa Kongreso si Singson at ang kanyang kampo kasama si dating national shooter Raul Arambulo kung paano nangyari ang insidente na mauulit pa sa Asian Games tampok ulit si Ancheta bilang isa sa delegasyon.
Sa naturang Philippine shooting delegation sa Asiad ay ni wala nga ang rising star na si 22-anyos Carlo Valdez na siyang nanguna sa karamihan ng local qualifiers ng air pistol sahog pa ang impresibong Top 10 finish sa iba’t ibang international tournaments.