Jia nakasalamuha ang mga idol

Nagpa-picture si Jia Mo­­rado kasama si Rosamaria Montibeller.

MANILA, Philippines — Hindi maitago ni dating Creamline playmaker Jia Morado ang saya matapos makasalamuha at makasama sa laro ang ilang Brazilian legends sa Tokyo, Japan.

Ibinahagi ni Morado ang naging karanasan niya nang makasama sa training camp at tune-up game ang Brazil women’s national team.

Ilan sa mga nakasama niya ay si Brazilian legend Thaisa Menezes na dalawang beses nakasungkit ng gintong medalya sa Olympic Games — noong 2008 sa Beijing, China at noong 2012 sa London, England.

Kaya hindi na pinalampas pa ni Morado ang pagkakataon na magpakuha ng larawan kasama si Menezes.

Nasa Japan si Morado para maglaro bilang import para sa Japanese side na Denso Airybees sa Japan V.League.

“I’ve always been a student of the game, taking in every opportunity to learn what I can. Monday was one of the extra special days,” wika ni Morado sa kanyang post sa Instagram.

Maliban kay Menezes, nagpa-picture rin si Morado kasama sina Brazilian Olympic silver medalists Rosamaria Montibeller at Gabi Guimaraes.

Makakasama ni Morado si Montibeller para sa kampanya ng Airybees sa Japan V.League.

“Jia!! Can’t wait to meet you better and play by your side. See you soon,” sabi ni Montibeller na pangalawang import ng Denso.

Show comments