MANILA, Philippines — Mukhang hindi na matutuloy ang Bay Area Dragons sa ikalawang salang sa PBA bilang guest team.
Ayon sa mga ulat, nabuwag na ang Dragons matapos pakawalan ang lahat ng kanilang mga players.
Na-terminate na ang kontrata ng mga Dragons players na inihayag ng team sa isang online meeting bagama’t hindi pa naglalabas ng official announcement ang Bay Area na nakabase sa Hong Kong.
Ayon naman sa PBA, wala pang abiso ang Bay Area sa kanila tungkol sa kasalukuyang sitwasyon ng koponan para sa 2023 Commissioner’s Cup sa Oktubre.
Bago ang biglaang pagkabuwag ng koponan ay kakahayag lang ng Dragons ang pagpapapirma ng limang bagong players sa pamumuno ni Oliver Xu ng Hong Kong Eastern at ang retention ng core tampok sina Glen Yang, Duncan Reid, Kobey Lam, Zhu Songwei at Hayden Blankley.
Kagagaling lang ng Dragons sa runner-up finish sa PBA Comm’s Cup matapos ang pagkatalo sa Barangay Ginebra sa Game 7 tampok ang record-breaking crowd na 54,589 fans sa Philippine Arena sa Bocaue, Bulacan.
Bumida sa Dragons ang imports na sina Andrew Nicholson at Myles Powell sa gabay ni Brian Goorjian na head coach din ng Australia sa 2023 World Cup.
Bukod sa PBA ay nakatakda ring sumali ang Bay Area sa unang full season home-and-away format ng EASL matapos ang bronze-medal finish sa EASL Champions Week sa Japan.