MANILA, Philippines — Handang handa na sina PH BEST standouts Micaela Jasmine Mojdeh at Heather White para sa prestihiyosong 9th World Aquatics Junior Championships na lalarga sa Setyembre 4 hanggang 9 sa Netanya, Israel.
Pangungunahan nina Mojdeh at Heather ang national junior team na target makasikwat ng medalya sa naturang world meet na lalahukan ng matitikas na junior swimmers mula sa iba’t ibang panig ng mundo.
Sasalang si Mojdeh sa anim na events — sa women’s 400m Individual Medley, 200m butterfly, 100m breaststroke, 200m IM, 100m butterfly at 200m breaststroke.
Magarbo ang debut ni Mojdeh sa 2022 edisyon ng World Junior Championships na idinaos sa Lima, Peru kung saan nakapasok ito sa semifinals ng women’s 100m butterfly.
Si Mojdeh ang ikalawang Pilipino na umabot sa semis sa World Championships.
Susubukan ni Mojdeh na malampasan ang kanyang semifinal finish kaya’t inaasahang ilalabas nito ang kanyang ‘water beast’ mode sa oras na tumuntong ito sa Israel.
Hahataw naman si White sa women’s 100m butterfly, 100m freesryle, 50m freestyle at 200m freestyle.
Sumailalim sina Mojdeh at White sa pukpukang ensayo sa Amerika bilang bahagi ng preparasyon para sa World Championships.
“It was a great training camp. A lot of world-class junior swimmers and event elite senior swimmers are there to train. I am happy to be part of it and I’m looking forward to be back and continue my training there,” ani Mojdeh.
Makakasama nina Mojdeh at White sa World Championships sina Gian Christopher Santos, Alexander George Eichler at Juan Marco Daos.