MANILA, Philippines — Hindi na makapaghintay si Austin Reaves ng Los Angeles Lakers na makita ang Filipino fans sa pagsabak ng fan favorite na Team USA sa pinaka-inaabangang 2023 FIBA World Cup sa Agosto 25 hanggang Setyembre 10 dito.
“I’ve heard that they’re big Laker fans which I love obviously. But they’re huge basketball fans all in all,” ani Reaves sa videong inilabas ng FIBA.
Isa si Reaves bilang starting guard ng Lakers sa fan favorites sa Team USA na maglalaro sa Mall of Asia Arena sa Group C kasama ang Jordan, New Zealand at Greece.
Inaasahang darating si Reaves at ang Team USA sa bansa sa susunod na linggo pagkatapos ng huling tune-up games nila kontra sa Greece at Germany sa Abu Dhabi.
Undrafted ang 25-an-yos na si Reaves noong 2021 NBA Rookie Draft bago magpasiklab tampok ang breakout perfor-mance na 13.0 points, 3.0 rebounds at 3.4 assists upang matulungan ang Lakers na makaabot sa Western Conference Finals.
Dahil dito ay nakuha si Reaves sa Team USA, na pamumunuan nina reigning NBA Defensive Player of the Year Jaren Jackson Jr. ng Memphies Grizzlies at Rookie of the Year Paolo Banchero ng Orlando Magic.
Kasali rin sa bagito ngunit palabang Team USA sina Brandon Ingram (New Orleans) at Anthony Edwards (Minnesota) pati na sina Jalen Brunson (New York) Mikal Bridges (Brooklyn), Tyrese Haliburton (Indiana), Josh Hart (NYK), Bobby Portis (Milwaukee), Cam Johnson (Brooklyn) at Walker Kessler ng Utah Jazz na teammate ni Filipino-American pride Jordan Clarkson ng Gilas Pilipinas.
Misyon ng Team USA na mabawi ang korona sa World Cup matapos malaglag agad sa quarterfinals ng 2019 edition na ginanap sa China bago magwagi sa 2020 Tokyo Olympics.
Gagabayan ni Golden State Warriors head coach Steve Kerr ang Team USA kasama sina Fil-Am mentor Erik Spoelstra ng Miami Heat, Tyronn Lue ng LA Clippers at Chip Engelland, na dating naturalized player ng Philippine national team.