Baluyot ginulat si Catalan sa URCC 87
MANILA, Philippines — Tinalo ni two-time jiu-jitsu world champion Eros Baluyot si veteran Rene Catalan via rear naked choke sa Universal Reality Combat Championship (URCC) 87: Heroes noong Martes sa Xylo sa The Palace sa BGC.
Kinailangan lamang ni Baluyot ng 71 segundo para tapusin si Catalan sa first round sa pamamagitan ng kanyang pamatay na ground game sa kanilang main event bout na suportado ng main supporter www.crazywin.ph.
May 3-0 record ngayon si Baluyot bilang isang MMA fighter at may 6-6 marka ang veteran coach at dating wushu sanda Asian Games gold medalist na si Catalan.
Sa isa pang MMA contest na suportado rin ng Lucas Lepri BJJ gym ay pinatulog ni Rex De Lara si Mhar John Manahan sa second round kung saan inihinto ng referee ang laban.
“All fights were quality bouts. We are very happy to see how the Xylo crowd reacted each fight. So for our next card, we guaranteed everyone to put exciting and more innovative fights,” sabi ni URCC co-owner/General Manager Aleksandr Sofronov.
Matapos ang fight card ay inihayag ni URCC President Alvin Aguilar lalabanan ni CJ De Tomas si Burn Soriano sa lightweight class sa URCC 88 na nakatakda sa Setyembre 5.
Sa iba pang grappling fights, sinapawan ni Godwin Langbayan si Red Samson at ginapi ni Paige Alitao si Troy Legaspi.
Sa pro MMA, pinabagsak ni Rufino Mante si Mark Cuizon habang umiskor si Kerwin Tan ng isang technical knockout win kay Marco Lampacan.
- Latest