La Salle, Adamson unahan sa 1-0

Nakatakda ang salpukan ng Lady Spikers at Lady Falcons sa alas-4 ng hapon matapos ang duwelo ng University of Santo Tomas at University of Perpetual Help System Dalta sa alas-2  sa kanilang sari­ling best-of-three bronze-medal match.

MANILA, Philippines — Mag-uunahan ang De La Salle University at Adamson University na makuha ang unang panalo sa paglarga ng Game 1 ng 2023 Shakey’s Super League (SSL) National Invitationals best-of-three finals ngayong araw sa Filoil EcoOil Centre sa San Juan City.

Nakatakda ang salpukan ng Lady Spikers at Lady Falcons sa alas-4 ng hapon matapos ang duwelo ng University of Santo Tomas at University of Perpetual Help System Dalta sa alas-2  sa kanilang sari­ling best-of-three bronze-medal match.

Asahan ang matinding pukpukan upang makauna sa championship series.

Magkaibang daan ang pinagdaanan ng Lady Spi­kers at Lady Falcons sa semifinals.

Kinailangan ng La Salle na magbanat ng buto bago itakas ang five-setter win kontra sa UST sa semis.

Ngunit sesentro na ang atensiyon ng Lady Spikers sa finals.

Maraming wala sa lineup ng La Salle partikular na sina ace spiker Angel Canino at ace libero Justine Jazareno gayundin sina Jolina dela Cruz, Mars Alba at Fifi Sharma.

“Kailangan paghandaan at aralin namin ‘yung Adamson kasi marami rin nawala sa kanila tulad sa amin. Unfamiliar din sa amin kasi puro bago ‘yung players nila. Kailangan malaman namin ‘yung tendencies nila,” ani La Salle assistant coach Noel Orcullo.

Dahil dito, kukuha ng lakas ang La Salle kina twin towers middle blocker Thea Gagate at opposite spiker Shevana Laput kasama si wing spikers Alleiah Malaluan.

Sa kabilang banda, halos hindi pinagpawisan ang Adamson nang patumbahin nito ang University of Perpetual Help System Dalta sa semis.

Show comments