MANILA, Philippines — Hinataw ng Cignal HD ang ikaapat na sunod na panalo matapos gibain ang PLDT Home Fibr, 25-22, 25-15, 25-21, sa pagsisimula ng semifinal round ng 2023 Premier Volleyball League (PVL) Invitational Conference kahapon sa Philsports Arena sa Pasig City.
Nagsalpak si veteran Ces Molina ng game-high na 17 points para banderahan ang HD Spikers, habang may 15 excellent sets si Angel Cayuna.
“I know medyo marami pa rin kami naging lapses pero good thing nakuha namin siya in three sets,” ani coach Shaq Delos Santos.
Pinamunuan ni reserve Fiola Ceballos ang High Speed Hitters sa kanyang walong puntos.
Matapos isuko ang first at second set ay kinuha ng PLDT ang 11-16 abante sa third frame.
Ngunit bumawi ang Cignal para agawin ang 24-20 kalamangan.
Samantala, tinalo ng Petro Gazz ang Akari, 25-19, 25-18, 20-25, 20-25, 15-7, para tumapos sa ninth-place.
Kumamada si Grethcel Soltones ng 19 points bukod sa 11 excellent digs para pangunahan ang Gazz Angels.
Nagwagi naman ang Foton kontra sa Gerflor, 26-24, 13-25, 25-21, 26-24, para sa 11th place.