MANILA, Philippines — Binanderahan ni Japanese world champion Moto Sasaki ang freestyle competitions ng Asian Cycling Confederation (ACC) BMX Championships kahapon sa Tagaytay City.
Nagtala ang 38-anyos na si Sasaki ng 90.725 points para angkinin ang gold medal sa men’s flatland sa multi-purpose Tagaytay City Combat Center.
Sumegunda ang kanyang teammate na si Masato Ito na tumipa ng 88.00 points para sa silver kasunod si Pakphum Poosa Art ng Thailand na may 84.00 points.
Pumang-apat si Pinoy rider Dwyne Lopena (76.400) kasunod sina Georich Cardino (76.150) at Renz Viaje (74.100).
Nanguna rin si Japanese Sakura Kawaguchi sa women’s flatland sa kanyang 78.375 points kasunod ang kababayang si Kirara Nakagawa (77.925) para sa 1-2 finish sa event na kasama sa kalendaryo ng International Cycling Union (UCI) at Asian Cycling Confederation at pinamamahalaan ng PhilCycling at Tagaytay City sa pamumuno ni Philippine Olympic Committee (POC) president Rep. Abraham “Bambol” Tolentino.
Kinumpleto ni Thai Sudarat Suvanich (71.700) ang women’s flatland podium para sa bronze kasunod si local bet Kristal Hernandez (67.450).
Samantala, pinagreynahan ni Chinese Yawn Deng ang women’s park sa kanyang itinalang 82 points kasunod ang kababayang si Gian Zheng (77) at Japanese Nene Naito (71.26) para sa silver at bronze, ayon sa pagkakasunod.