Gilas Girls swak sa semis
MANILA, Philippines — Winalis ng Gilas Pilipinas Girls ang Group A tampok ang 106-58 pagdurog sa host Jordan patungo sa semifinals ng FIBA U16 Women’s Asian Championship Division B kahapon sa Amman.
Nagsumite si Kimi Sayson ng 19 points, 7 steals, 6 assists at 5 rebounds para sa 3-0 record ng mga Pinay dribblers sa group play at sikwatin ang semis ticket sa kanilang grupo.
Ang kanilang matinding depensa ang nagresulta sa 28 steals at pinuwersa ang Jordan sa 36 turnovers na ginawa nilang 45 points.
Binanderahan ni Zena Alkarain ang mga Jordanians sa kanyang 26 points.
Humataw din ang Gilas Girls U16 team ng 27 points sa kabuuan ng fourth period at nilimitahan ang Jordan sa 9 markers para tiyakin ang kanilang panalo.
Nauna nang pinabagsak ng koponan ang Hong Kong, 79-40, at minasaker ang Maldives, 144-22, para pangunahan ang Group A.
Lalabanan ng tropa ni coach Pat Aquino sa semis ang pupuwesto sa second place sa Group B sa hanay ng Iran, Malaysia, Singapore at Guam.
Tumapos si Ava Fajardo na may 17 markers, 5 assists, 4 boards at 2 steals para sa Gilas Girls na layuning ma-promote sa Division A matapos pumangatlo noong nakaraang edisyon ng torneo.
- Latest