MANILA, Philippines – Ipinagkait ni Costa Rican Mariano “The Hitman” Jones ang maganda sanang farewell fight ni Caloy Baduria matapos pasukuin ang Pinoy sa Universal Reality Combat Championship (URCC) 86 sa Palace sa Xylo BGC sa Taguig.
Pinasuko ni Jones, ipagdiriwang ang kanyang ika-27 kaarawan bukas, ang 43-anyos na si Baduria sa loob lamang ng 42 segundo sa first round via keylock submission.
May 3-0 record ngayon si Jones na nauna na ring pinagretiro si Pinoy striker Arvin Chan sa URCC 84 noong Abril via submission.
“I wish Caloy the best in retirement and I like the guy, but they call me the Hitman for a reason. I have no emotion in the cage. Feels good very thankful for the opportunity given to me by URCC and I hope to get a title shot for my next fight,” ani Jones.
Pinuri nina URCC president Alvin Aguilar at co-owner vice-president/general manager Aleks Sofronov ang lahat ng mga fighters at grapplers na sumabak sa ika-86 fight edition ng promotion na sinuportahan ng online casino na Atlantis kasama ang Angkas at Lucas Lepri BJJ.
Samantala, tinalo ni Alex Bigander si Guiller Lopez via triangle arm submission choke sa first round ng kanilang pro-am middleweight bout habang binigo ni Marwin Quirante si Mcleary Onido via unanimous decision sa flyweight bout.
Umiskor si Mark Gatmaitan ng technical knockout win kay Tristan De Mena sa first round ng kanilang light heavyweight fight at tinakasan ni While Edemel Catalan si Bryl Osaraga via rear naked choke sa first round ng strawweight duel.
Sa grappling matches, dinaig ni Gregorio Abalos si Gabriel del Rosario sa open weight category at sinapawan ni Joaquin Dy si Neil Larano via submission move sa first round ng kanilang welterweight category clash.
Sa bareknuckle bouts, binugbog ni Juanito Mabanan si Rolando Plaza via unanimous decision sa strawweight, habang dinomina ni Aries Lasar si Bonifacio Caangay sa bantamweight bout via unanimous decision.