MANILA, Philippines — Naniniwala si Congress of Philippine Aquatics, Inc. (COPA) president at Batangas 1st District Rep. Eric Buhain na malaki ang tsansa ng mga Pinoy na umangat sa BiFin swimming.
Ito ay matapos lumangoy ng silver medal si Palarong Pambansa champion Alexi Cabayaran sa women’s 200-meter breaststroke sa bilis na 1:56.49 sa likod ni gold medal winner Muyni Kaing (1:51.69) ng Cambodia.
Bagong tatag lamang ang National BiFin swimming team, ayon kay Buhain.
“Maganda ang future natin sa BiFin and the recent campaign of our team in Cambodia proved that. Kahit maiksi lang ang naging preparation may contribution sila sa delegation,” sabi ng two-time Olympian.
Ang eight-man BiFin national squad na sinuportahan ng Espinelli Trading ay nakapasok sa finals sa kani-kanilang event .
“Ang pagpapataas ng kamalayan sa pamamagitan ng pagsasagawa ng mga regular na aktibidad at mahikayat ang lahat ng swimming club, grupo at organizer na isama ang BiFin sa kanilang mga programa at torneo isang malaking tulong para sa sports,” ani Buhain.
Sa kasalukuyan ay naisama na ng COPA ang BiFin event sa kanilang programa ng lahat ng torneo.
Ang 15-anyos na si Alexi ng Silay City, Negros Occidental ay isa sa napili mula sa mga lumahok sa isinagawang Visayas tryouts na inorganisa ng COPA noong Pebrero sa Bacolod City.
Sa isang memorandum of agreement (MOA) sa pagitan ng Fin Swimming Federation, ang COPA ay naatasang magdaos ng national tryouts para pumili, magbuo at magsanay sa koponan para sa SEAG.
Nakatakdang tumanggap si Cabayaran ng P150,000 cash incentives mula sa gobyerno sa ilalim ng Incentive Act.