MANILA, Philippines — Hindi makapaniwala si John Ivan Cruz na hawak na nito ang pinapangarap na gintong medalya sa 32nd Southeast Asian Games na ginaganap sa Phnom Penh, Cambodia.
Lubos ang kasiyahan ni Cruz nang malaman nitong siya ang itinanghal na kampeon sa men’s floor exercise ang parehong event kung saan nagkampeon si Carlos Edriel Yulo sa World Championships.
Ito ang kauna-unahang gintong medalya ni Cruz sa international stage.
Ang makislap na ginto ay produkto ng dugo’t pawis na ibinuhos nito sa mga nakalipas na taon.
Binalikan ni Cruz ang mga panahon na sinusubok ang kanilang pamilya partikular na sa usaping pinansiyal.
“Financial po kasi yung problema ko. Ngayon, sa panalo kong ito, masasabi ko po na kaya ko na silang buhayin,” ani Cruz na panganay sa pitong magkakapatid.
Sa kanyang pagkakapanalo ng ginto sa SEA Games, tatanggap si Cruz ng P300,00 insentibo mula sa gobyerno base sa nakasaad sa Athletes and Coaches Incentive Act.
Kasama pa ng karagdagang insentibo dahil bahagi ito ng men’s team na naka-pilak sa team event.
Hindi pa man hawak ang bonus, alam na agad ni Cruz ang paglalaanan nito.
Ibabahagi ni Cruz ang kanyang napanalunan sa kanyang pamilya na itinuturing nitong inspirasyon sa lahat ng kanyang gina-gawa.
Nauna nang umalis si Cruz sa national team.
Ngunit nagpasya itong bumalik noong nakaraang taon para ipagpatuloy ang kanyang misyon.
“Nagpapasalamat ako at nabigyan ulit ako ng opportunity na maging part ng national team. Sa sobrang hirap ng buhay, pinagsikapan ko po ito kaya hindi ko po sasayangin,” ani Cruz.