MANILA, Philippines — Napatumba si dating Filipino world-eight division champion Manny Pacquiao hindi sa loob ng boxing ring kundi sa isang korte sa Amerika.
Ito ay matapos siyang utusan ng isang US jury na magbayad ng $5.1 milyon o halos P282 milyon sa Paradigm Sports Management (PSM) mula sa civil lawsuit na isinampa nito laban kay ‘Pacman’.
Kasama sa nasabing $5.1 milyon na babayaran ni Pacquiao sa PSM ay ang $1.8 milyon para sa damages at ang $3.3 milyon para sa advance payment na ibinigay ng PSM sa boxing legend.
Sa naturang demanda ng PSM ay sinabi nitong sinira ni Pacquiao ang kanilang kontrata matapos siyang makipagkasundo sa isa pang promotional company na TGB Promotions.
Nakipagkasundo si Pacquiao sa PSM para ayusin ang laban nila ni dating UFC superstar Conor McGregor.
Ngunit hindi ito naplantsa.
Sa huli ay pumayag ang Pinoy boxing icon na sagupain si American boxer Errol Spence Jr. noong Agosto ng 2021, ngunit pinalitan ni Yordenis Ugas dahil sa injury nito.
Minalas si Pacquiao kay Ugas na kanyang naging pinakahuling professional fight.
Matapos ito ay nilabanan at tinalo ni Pacquiao si Korean video blogger DK Yoo sa isang exhibition fight noong Disyembre ng 2022.