MANILA, Philippines — Nagbabala ang Maharlika Pilipinas Basketball League (MPBL) at ang Games and Amusements Board (GAB) na sisibakin sa liga at babawiin ang lisensya ng sinumang players na masasangkot sa game-fixing at paglalaro sa ligang labas.
Ito ang sinabi nina MPBL Commissioner Kenneth Duremdes at GAB chairman Atty Richard Clarin sa idinaos na welcome dinner para sa 29 member teams na naglalaro sa OKBet-MPBL Fifth Season.
Hindi nakadalo si MPBL CEO at Founder Manny Pacquiao dahil sa jet lag matapos ang kanyang pag-uwi mula sa United States.
Matatandaang nasangkot ang ilang PBA players sa game-fixing at paglalaro sa ligang labas kung saan walang pahintulot ang kanilang mga mother teams.
Ito ang ayaw mangyari ng MBPL sa kanilang liga katuwang ang GAB.
Bukod sa pagiging istrikto sa kanilang patakaran ay magsasagawa rin ang MPBL at GAB ng random drug testing sa mga players.
Samantala, sinabi ni MPBL Operations head Emmer Oreta na magkakaroon ng break ang liga mula sa Mayo 25 hanggang Setyembre 10 para magbigay-daan sa pagdaraos ng bansa sa 2023 FIBA World Cup.