MANILA, Philippines — Dinomina ng Team Ilustre East Aquatic ang Congress of Philippine Aquatics, Inc. (COPA) Golden Goggle 3rd at 4th leg matapos humakot ng 30 gintong medalya at tanghaling overall champion na ginanap sa Teofilo Yldefonso swimming pool sa loob ng Rizal Memorial Sports Compex (RMSC) sa Malate, Manila.
May 17 na gintong medalya ang nasikwat ng Team Ilustre sa BiFin event, isa sa malaking ambag ay si national junior record holder sa boys 13-under Jamesray Mishael Ajido.
Matapos pangunahan ang koponan sa 21-gold medal na nahablot sa opening day ay nagdagdag pa si Ajido ng apat kung saan tatlo ay galing sa BiFin.
Nakapagtala ng 4,682 points sa tournament ang Team Illustre sa event na suportado ng Speedo, Philippine Sports Commission (PSC) at MILO.
Kinalos ng 14-anyos na si Ajido ang kanyang mga kalaban sa BiFin 100 freestyle sa naitalang 52.27 segundo gayundin sa 200free (1:56.15) at 50free (22.80).
Sinikwat din ng Grade 7 student mula sa Montessori Integrated School-Antipolo ang kanyang ikaapat na ginto sa classic (regular) swimming event sa boys 100m backstroke sa oras na 1:02.47.
“Yung purpose namin to include BiFin events is to expose the discipline sa ating mga batang swimmers at sa kanilang mga magulang.” ani tournament director Chito Rivera.