MANILA, Philippines — Isang premyadong strength and conditioning coach ang kasalukuyang tumutulong kay dating Pinoy world champion Jerwin Ancaja sa training camp sa US.
Kinuha ng kampo ni Ancajas si Mexican conditioning coach Angel “Memo” Heredia bilang preparasyon sa pagsabak ng tubong Panabo, Davao del Norte sa mas mabigat na bantamweight division.
Isa sa mga hinawakan ni Heredia ay sina Mexican boxing legend Juan Manuel Marquez na natulungan niya sa pagpabagsak kay world eight-division champion Manny Pacquiao noong 2012.
Halos dalawang linggo nang magkasama sa gym sina Ancajas at Heredia.
Nagdesisyon ang 31-anyos na si Ancajas na umakyat sa mas mabigat na bantamweight class matapos matalo ng dalawang sunod na beses kay Fernando Martinez ng Argentina.
Siyam na ulit na nadepensahan ni Ancajas ang kanyang hawak na International Boxing Federation (IBF) super flyweight crown.
Huling nanalo si Ancajas noong Abril 10, 2021 bago minalas kay Martinez sa kanilang dalawang sunod na bakbakan noong Pebrero at Oktubre ng nakaraang taon.