Cargo Movers sasalo sa liderato

MANILA, Philippines — Susubukan ng F2 Logistics na makisalo sa liderato sa pagsagupa nito sa Petro Gazz sa pagpapatuloy ng PVL All-Filipino Conference ngayong araw sa Philsports Arena sa Pasig City.

Magkukrus ang landas ng Cargo Movers at Gazz Angels sa alas-6:30 ng gabi matapos ang krusyal na bakbakan ng Choco Mucho at Cignal sa alas-4 ng hapon.

Nasa No. 2 spot ang F2 Logistics kasama ang PLDT Home Fibr hawak ang parehong 4-1 marka habang nangunguna ang defending champion Creamline na may 5-1 kartada.

Mataas ang moral ng Cargo Movers na galing sa five-set win kontra sa Cool Smashers at straight-set win laban naman sa HD Spikers sa kanilang dalawang huling laro.

Isa si outside hitter Myla Pablo sa pangunahing sinasasandalan ng F2 gayundin si opposite hitter Kim Kianna Dy na humataw ng 22 puntos sa kanilang 25-23, 25-20, 25-23 panalo laban sa Cignal.

Aarangkada rin sina Aby Maraño, Ara Galang at Ivy Lacsina kasama sina playmaker Kim Fajardo at libero Dawn Macandili.

Nawala naman sa Top 4 ang Gazz Angels na nasa No. 5 spot tangan ang 2-2 baraha kasama ang Flying Titans.

Sariwa pa ang Gazz Angels sa 25-21, 29-31, 25-21, 13-15 masaklap na talo sa High Speed Hitters noong nakaraang linggo.

Kukuha ng lakas ang Gazz Angels sa beteranong sina Aiza Maizo-Pontillas, MJ Phillips at Grethcel Soltones.

Nagrehistro si Phillips ng 24 puntos sa kanilang huling laro habang naglista naman si Maizo-Pontillas ng 19 hits at 17 markers galing kay Soltones.

Show comments