COPA todo ang suporta sa Stabilization Committee

Masayang sinamahan ni COPA president Batangas 1st District Congressman Eric Buhain (gitna) ang mga coaches, officials at atleta mula sa lahat ng regional cluster na nakiisa sa isinagawang National tryouts ng Stabilization Committee para sa Philippine Team na isasabak sa 32nd SEA Games sa Cambodia.

MANILA, Philippines — Kabuuang 39 swimmers ang nakapasa sa inilatag na Qualifying Time A at B sa idinaos na national swimming tryouts ng Stabilization Committee sa New Clark City sa Capas, Tarlac.

Sinabi ni Stabilization Committee member Bones Floro na tagumpay ang nasabing swimming tryouts na nilahukan ng 188 tankers para sa pagbuo ng koponang isasabak sa 32nd SEA Games sa Cambodia sa Mayo.

Ang swimming tryouts ay sinalihan din ng Congress of Philippine Aquatics, Inc. (COPA) at Swim League Philippines (SLP).

Kabuuang 100 atleta mula sa Manila, Luzon, Visayas at Mindanao na miyembro ng mga swimming clubs na affiliated sa COPA ang sumabak sa qualifying meet sa pamumuno ni Xiandi Chua ng Top Swim Club na humakot ng tatlong gintong medalya kabilang ang Qualifying Time-A sa women’s 200m backstroke sa oras na 2:17.79.

Swak din sa Qualifying Time-B sa 100m freestyle si Chua sa itinalang 57.83 segundo at sa 400m freestyle sa bilis na 2:05.40.

Wagi rin ang magkapatid na Jie Angela Mikaela at John Alexander Michael ng Sayap Pirates Swim Club mula sa COPA Region 12.

“With this we’re happy and proud to say that COPA was well represented by our swimmers from Manila up to far flung provinces in Mindanao,” wika ni COPA president at Batangas 1st District Rep. Eric Buhain.

Rumatsada naman ang Behrouz Elite Swim Team ng SLP sa pamumuno nina World Junior championship semifinalist Jasmine Mojdeh at SEA Age group gold medal winner Heather White.

Kapwa pasok sa qualifying time sa women’s 200m butterfly (2:20.76) at women’s 50m freestyle (26.78) ang 16-anyos na si Mojdeh at ang 15-anyos na Fil-British na si White, ayon sa pagkakasunod.

Pasok din sa QT-B sina Fil-Am Jarod Jason Hatch sa men’s 50m sa bagong national record na 23.96 laspas sa QT-A na 24.30 gayundin sina Miguel Barreto, Jasmine Alkhaldi.

Show comments