MANILA, Philippines — Tuloy ang matikas na ratsada ni Tokyo Olympics veteran Eumir Felix Marcial matapos itarak ang second round knockout win laban kay Ricardo Villalba ng Argentina kahapon sa Alamodome sa San Antonio, Texas.
Ito ang ikaapat na sunod na panalo ni Marcial para manatiling malinis ang rekord nito sa professional boxing tangan ang 4-0 baraha.
“Glory to God! We are still undefeated! Humbled to have won the fight against a tough veteran, Argentinian Ricardo Ruben Villalba via KO after the 2nd round. All my training has paid off and my hard work bore fruit of our labor,” ani Marcial sa kanyang post sa social media.
Ngayon lang din sumalang ang Tokyo Olympics bronze medalist sa eight-round fight kumpara sa mga naunang laban nito na four-round bout lamang.
Isang matinik na left hook ang pinakawalan ni Marcial dahilan para bumagsak si Villalba may 1:22 pang nalalabi sa first round.
Nakarekober si Villalba.
Ngunit muling naglatag ng malakas na puwersa si Marcial sa second round kung saan dalawang beses nitong napatumba ang Argentine pug.
Pinaulanan ni Marcial ng kaliwa’t kanang kumbinasyon si Villalba kung saan nagdesisyon na ang referee na itigil ang laban.
Nagpasalamat si Marcial sa team nito na siyang gumabay sa kanya sa buong panahon ng kanyang training camp sa Amerika.
“Like I said during interviews, I have learned a lot in my last three professional fights. I am most grateful to have had a very productive training with my camp and I am just happy to have shown the fans what I’ve improved on and prepared for over the last few months,” ani Marcial.