MANILA, Philippines — Pinangalanan si Argentina hero Luis Scola bilang Global Ambassador ng FIBA Basketball World Cup 2023 na idaraos sa Pilipinas, Japan at Indonesia.
Bilang ambassador, pangungunahan ni Scola ang pagpo-promote sa FIBA World Cup kabilang na ang draw ceremony na idaraos sa susunod na taon.
Si Scola ang second all-time top scorer sa World Cup matapos makalikom ng 716 puntos.
Nasilayan ito ng limang beses sa World Cup habang nakapaglaro ito ng 41 games sa kasaysayan ng torneo para mapantayan si Brazilian great Ubiratan Pereira Maciel.
Kasama si Scola sa Argentina squad na nakapasok sa finals ng 2002 World Cup na ginanap sa Indianapolis.
Noong 2006 World Cup sa Japan, nagpasiklab si Scola nang magtala ito ng 55.3 percent shooting clip at may averages na 14.3 points at 7.0 rebounds.
Sa naturang taon, nakapasok sa semis ang Argentina subalit natalo ito sa Spain sa iskor na 74-75.
Noong 2010 World Cup sa Turkey, mas lalo pang umangat ang laro ni Scola na may average na 27.1 points per game kabilang ang 37 points sa Round-of-16 game ng Argentina laban sa Brazil.
Maliban sa World Cup, may gintong medalya si Scola sa Olympic Games matapos pagharian ng Argentina ang 2004 edisyon sa Athens Greece.
May bronze ito sa 2008 Beijing Games at nakapasok sa semis sa 2012 Olympics sa London, England.
Naging flagbearer ito ng Argentina noong 2006 Olympics sa Rio de Janeiro, Brazil.