Up-Ateneo part 2 sa UAAP finals

Inangatan ni Malick Diouf ng UP ang tatlong UP players para sa kanyang tangka.
Russell Palma

MANILA, Philippines —  Hindi na binigyan ng nagdedepensang University of the Philippines ng pagkakataon ang National University na makahirit ng ‘do-or-die’ game sa Final Four.

Humakot si foreign athlete Malick Diouf ng 17 points para akayin ang No. 2 Fighting Maroons sa 69-61 pagsibak sa No. 3 Bulldogs patungo sa Finals ng  UAAP Season 85 men’s basketball tournament kahapon sa Smart Araneta Coliseum.

Samantala, tinalo ng No. 1 Ateneo De Manila University ang No. 4  Adamson University, 81-60, patungo sa kanilang ikaanim na sunod na championship appearance.

Inayos ng Blue Eagles ang kanilang title rematch ng Fighting Maroons.

Nagdagdag din ang 6-foot-11 na Senegal native ng 21 rebounds, 3 blocks at 2 assists para sa pagbabalik ng Diliman-based team sa UAAP Finals at puntiryahin ang back-to-back title.

“We’re happy that we’ll be getting another chance to win the championship,” ani coach Goldwin Monteverde sa kanyang tropa na nagdala ng ‘twice-to-beat’ advantage sa Final Four.

Isang 11-0 run ang inilaglag ng UP para tapusin ang laro matapos kunin ng NU ang 61-59 bentahe sa huling dalawang minuto ng fourth quarter.

Ang three-point shot ni JD Cagulangan sa huling 53.3 segundo ang nagbigay sa Fighting Maroons ng 66-61 kalamangan kasunod ang mintis sa po­sesyon ng Bulldogs.

Samantala, lumapit ang NU Lady Bulldogs sa pagkagat sa pang-pitong sunod na titulo matapos gibain ang La Salle Lady Archers, 93-61.

Ang Lady Archers ang tumapos sa makasaysa­yang 108-game winning streak ng Lady Bulldogs nang itakas ang 61-57 overtime win noong Nob­yembre 23. 

Show comments