UE sinilat ang La Salle
MANILA, Philippines — Nagpaputok si guard Rey Remogat ng game-high na 24 points para tulungan ang talsik nang University of the East sa 80-72 overtime win sa De La Salle University sa second round ng UAAP Season 85 men’s basketball tournament kahapon sa Smart Araneta Coliseum.
Tinapos ng Red Warriors ang kanilang four-game losing skid para isara ang kampanya sa 5-9.
Nagwakas ang tatlong sunod na ratsada para sa 6-7 record, kailangan ng Green Archers na talunin ang sibak nang University of Santo Tomas Growling Tigers sa Miyerkules.
Dapat din nilang ipagdasal na matalo ang Adamson Soaring Falcons sa Ateneo Blue Eagles para makahirit ng playoff sa No. 4 spot sa Final Four.
Nauna nang inangkin ng Soaring Falcons (7-6) ang 64-63 panalo sa National University Bulldogs (9-5) para palakasin ang tsansa sa huling semifinals seat.
Ipinasok ni senior guard Jerom Lastimosa ang isang triple sa huling 5.5 segundo para tulungan ang Adamson na makatakas sa NU.
“One game at a time,” sabi ni Lastimosa na tumapos na may 7 points, 5 boards at 2 assists para sa Adamson. “And one more na lang, one more push just to make it to the Final 4.”
Humakot si Congolese center Lenda Douanga ng 16 points at 6 boards para banderahan ang Soaring Falcons.
Samantala, kinuha ng Far Eastern University Tamaraws (5-9) ang 77-62 tagumpay sa University of Santo Tomas Growling Tigers (1-12).
- Latest