Tigresses swak sa 2nd round ng SSL
MANILA, Philippines — Mabangis pa rin ang University of Santo Tomas nang sakmalin ang 25-13, 25-19, 25-15 panalo laban sa Emilio Aguinaldo College sa Shakey’s Super League Collegiate Pre-season Championship kahapon sa Rizal Memorial Coliseum sa Vito Cruz, Manila.
Ito ang ikatlong sunod na panalo ng Tigresses para mapatatag ang kapit sa solong pamumuno sa Pool B bitbit ang malinis na 3-0 baraha.
Ang panalo rin ang nagbigay katiyakan sa UST para makasikwat ng tiket sa second round ng torneo.
“I’m happy the team executed well in this game. I just want to see more consistency in our second unit as we head into the next round,” wika ni coach Kungfu Reyes.
Nanguna sa sa ratsada ng Tigresses si Angeli Abella na nagpako ng 19 points, habang naglista si Bianca Plaza ng 8 markers at may 7 points si Xyza Gula.
Tuluyan nang nasibak ang Lady Generals na wala pa ring panalo sa tatlong laro.
Kumana sina Jeanne Porto at Catherine Almazan ng tig-siyam na puntos subalit hindi ito sapat para dalhin ang EAC sa panalo.
Pormal namang nagmartsa sa second round ang reigning UAAP champions na National University Lady Bulldogs at Ateneo Lady Eagles matapos walisin ang kanilang mga karibal sa Pool B.
Inilampaso ng Lady Bulldogs ang dating NCAA titlist na Arellano Lady Chiefs, 25-9, 25-17, 25-14, habang nanaig naman ang Lady Eagles sa Jose Rizal University Lady Bombers, 25-20, 25-16, 25-10.
Pareho nang may 2-0 baraha ang NU at Ateneo.
Nagpasiklab para sa Lady Bulldogs si rookie Vangie Alinsug na may 12 points at kumana naman si Myrle Escanla ng siyam na puntos.
Bumandera sa panig ng Lady Eagles si Lyann De Guzman na may 15 points at naglista si Yvana Sulit ng 13 hits.
- Latest