Bulldogs sinakmal ang solong liderato

MANILA, Philippines — Naisakatuparan ng mga Bulldogs ang kanilang hangarin.

Inangkin ng National University ang solong liderato matapos sakmalin ang 58-54 panalo laban sa Adamson University sa UAAP Season 85 men’s basketball tournament kahapon sa MOA Arena sa Pasay City.

Tumipa si veteran John Lloyd Clemente ng 14 points, 2 rebounds at 2 steals para sa ikatlong sunod na ratsada ng Bulldogs at ilista ang 4-1 record.

Bigo naman ang Soa­ring Falcons na madagit ang kanilang pangatlong dikit na panalo para sa 2-3 marka.

“Even though we got that W, hindi pa rin kami satisfied sa kung ano ang ipinakita namin today,” sabi ni coach Jeff Napa sa kanyang NU team na kinuha ang 57-51 bentahe sa hu­ling 14.5 segundo.

Ang triple ni Jerom Lastimosa ang nagdikit sa Adamson sa 54-57 sa nalalabing 6.1 segundo.

Sa unang laro, buma­ngon ang De La Salle University mula sa naunang kabiguan para talunin ang Far Eastern University, 87-70.

Kumamada si Schonny Winston ng 23 points, 14 rebounds, 5 steals at 5 assists para sa 3-2 baraha ng Green Archers at makabawi sa 74-81 pagkatalo sa University of the East Red Warriors (2-2).

Show comments